
Panahon na para pondohan ng estado ang mga political party sa Pilipinas kung nanaisin ang kaunlaran.
Ito ang binigyang-diin ng Foundation for Economic Freedom sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments ukol sa isinusulong na pagbabago sa 1987 Constitution.
Ayon kay FEF President Calixto Chikiamco, kailangang palakasin ang political parties upang tuluyang mabago ang sistema sa pamamagitan ng “state funding”.
Kapag hindi aniya ito ginawa ay magiging “default” o mananaig pa rin ang political dynasty sa bansa kung saan karaniwang ginagastusan ng bawat kandidato ang kanilang kampanya para sa eleksyon.
Paliwanag pa ni Chikiamco, mahalagang pag-aralan ang matagumpay na implementasyon ng state funding sa political parties sa ibang mga bansa.
Kabilang na rito ang Taiwan, Japan, China, Singapore, Malaysia at Vietnam.
Isa rin sa nakikitang dahilan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI kung bakit hindi gaanong “progressive” ang investments ay ang pag-iral ng multi-party system sa Pilipinas.
Ipinunto ni PCCI Chairman George Barcelon na sa Vietnam ay mayroong single-party system kaya mas mabilis na naisasakatuparan ang mga polisiya.










