Itinakda ngayong araw ng Miyerkules ang Public Hearing para sa panukalang P5 na dagdag- pasahe sa tricycle sa Tuguegarao City.
Ayon kay Councilor Arnel Arugay, chairman ng committee on transportation na gaganapin ang pagdinig sa Peoples Gymnasium ngayong alas 8:00 ng umaga.
Batay sa isinusulong na ordinansa, hiniling ng Federation of Tricycle Operators and Drivers Association (FETODA) Tuguegarao na madagdagan ng P5 ang kasalukuyang P15 na minimum fare at karagdagang P3 para sa mga may discounts gaya ng estudyante, buntis, PWD at senior citizen sa mga pampasadang tricycle sa lungsod.
Kung maaaprubahan, ang magiging minimum na pamasahe ng bawat pasahero sa tricycle ay P20.
Hinihikayat naman ng Sangguniang bayan ang riding public at iba pang stakeholders na dumalo sa pagdinig upang maipaabot ang kanilang mga saloobin kaugnay sa naturang usapin.
Una nang inihayag ng FETODA na ang kahilingan nilang taas-pasahe ay dahil sa mataas na presyo ng gasolina, mga bilihin at pyesa ng motorsiklo.