Maaari umanong maharap sa permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon ang sinumang opisyal ng gobyerno na mapatunayang nanghikayat sa iba na gumawa ng perjury, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.

Ayon kay Lacson, maaaring ituring na principal sa krimen ang direktang nang-uudyok sa iba na gumawa ng perjury, batay sa Revised Penal Code.

Iniuugnay niya ang pahayag sa alegasyon ng “coached” na testimonya ng dating Marine na si Orly Guteza, na kalaunan ay binawi ang nauna nitong pahayag at inakusahan sina Sen. Rodante Marcoleta at dating Rep. Michael Defensor na humikayat sa kanya na tumestigo kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.

Samantala, sinabi ni Lacson na maaari ring magsampa ng reklamo ang Department of Justice at Office of the Ombudsman, habang balak naman niyang maghain ng panukalang batas para taasan ang parusa sa subornation of perjury.