Nagsampa ng reklamo para sa perjury at falsification of public documents laban kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. sa Pasay City Prosecutors Office nitong Huwebes.

Sa reklamo ng mga nagsampa, kinuwestyon ang citizenship ng kalihim at iginiit na mayroon umano itong Maltese citizenship at passport.

Bagama’t nauna nang tinalikuran ni Teodoro ang kanyang Maltese citizenship noong 2021, sinabi ng isa sa mga complainant na wala umanong patunay na kinilala ito ng pamahalaan ng Malta.

Hinihiling din ng mga nagreklamo sa piskalya na magsagawa ng mas malalim na case build-up upang beripikahin ang mga rekord kaugnay ng citizenship ng kalihim, kabilang ang pagkuha ng mga certified true copy ng mga dokumentong magpapatunay sa kanyang pagtalikod sa naturang pagkamamamayan.

Samantala, mariing itinanggi ng Department of National Defense ang mga paratang.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay DND Assistant Secretary Erik Dy, ang reklamo ay nakabatay umano sa hindi beripikadong alegasyon at sinubukan pa umanong ipasa sa mga ahensya ng pamahalaan ang obligasyong patunayan ang mga paratang.

Giit ng DND, nasa panig ng mga nagrereklamo ang burden of proof, at kinakailangan ng matibay at beripikadong ebidensiya bago mapatunayang may basehan ang mga akusasyon.

Wala pang pahayag ang kampo ni Teodoro kaugnay ng naturang reklamo.