Nasa kritikal na kundisyon sa pagamutan ang isang pulis na nagmomotorsiklo matapos makabanggaan ang isa pang motorsiklo sa bayan ng Iguig, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si PCPL Archie Cagurungan, 34-anyos, intel operative ng Iguig Police Station at residente ng Brgy San Esteban.

Ang rider na nakabanggan ng pulis ay kinilala namang si Ricson Gamata, 32-anyos ng Brgy Awallan, Baggao.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLT Crisanda Aggabao, deputy chief-of-police ng PNP-Iguig na nagsasagawa ang biktimang pulis ng casing activity laban sa isang wanted personality at akmang liliko nang mabangga ng suspek sa may bahagi ng Brgy Minanga Norte.

Lumalabas sa imbestigasyon na na mabilis ang patakbo ng suspek sa kanyang motorsiklo sa 90km/hour na papuntang Tuguegarao City upang dalawin ang kanyang ama na isinugod sa ospital.

-- ADVERTISEMENT --

Sa lakas ng pagkakabangga ay kapwa sumemplang ang dalawa sa 4-lane na lansangan kung saan nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang pulis na nananatiling comatose habang gasgas lamang ang tinamo ng suspek.

Sa ngayon sinabi ni Aggabao na naisampa na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries laban sa suspek na nasa kostodiya ng pulisya.