TUGUEGARAO CITY-Agad na nahuli ang isang pulis matapos tangkaing takasan ang kanyang nabunggong tricycle driver dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Kinilala ang suspek na si PSSGT Lloyd Andrew Agustin, 30-anyos , residente ng Barangay Ugac Sur , nakadestino sa Regional Mobile Force Battalion 2 habang ang biktima ay si Orlando Darilag, 49-anyos, residente ng Brgy. Linao East na isang tricycle driver.

Batay sa paunang imbestigasyon ng kapulisan, nawalan ng kontrol sa manebela ang pulis sa kanyang sasakyan habang binabaybay ang kahabaan ng Barangay Tanza.

Dumiretso ang suspek sa nakaparadang tricycle kung saan lulan ang biktima na nag-aantay ng pasahero.

Maging ang bisekleta na nakaparada sa gilid ng kalsada na may laman na bote ng softdrinks ay nabangga rin ng suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos ang insidente, sinubukang takasan ng pulis ang biktima ngunit dahil sa mabilis na pagresponde ng mga kapulisan na nag-iikot sa lungsod, nahuli ito sa bahagi ng Balzain West Diverson road.

Dipensa ng suspek , nawalan umano siya ng kontrol sa manebela matapos pumutok ang gulong ng kanyang sasakyan ngunit batay sa resulta ng pagsusuri na ginawa ng mga duktor, nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang pulis ng mangyari ang aksidente.

Sinubukan namang dalhin sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival ng mga umasikasong duktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PNP-Tuguegarao ang suspek na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.