TUGUEGARAO CITY- Sinaluduhan ng Cagayan Police Provincial Office sa pamamagitan ni PCol. Ignacio Cumigad si PSSgt. Richard Gumarang na namatay sa shoot-out sa mga hold-upper sa Ramon, Isabela noong Sabado.
Kasabay nito, ipinarating na rin ni Cumigad ang kanilang pakikisimpatiya sa pamilya ng pulis.
Sinabi ni Cumigad na sana ay magsilbing inspirasyon si Gumarang sa mga kapwa niya pulis na patuloy na gampanan ang kanilang tungkulin sa kabila ng mga posibleng panganib na kanilang susuungin.
Gayonman, sinabi ni Cumigad na dapat na tiyakin din ng mga pulis ang kanilang kaligtasan.
Matatandaan na agad na nagsagawa ng checkpoint ang mga pulis sa Ramon, Isabela nang inalerto sila ng PNP Tuguegarao kaugnay sa nangyaring hold-up sa isang ginang sa parking area cathedral.
Subalit sa halip na tumigil sa checkpoint ang ang mga suspek na sakay ng Innova ay nakipagbarilan sila sa mga pulis kung saan tinamaan si Gumarang na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Patay din sa shoot-out ang dalawa sa apat na hold-upper.