Viral ngayon sa social media ang video ng isang mainit na komprontasyon sa pagitan ng truck driver at mga pulis sa Pampanga.
Ito ay matapos umanong businahan ng driver ang isang police mobile unit na biglang lumiko sa kalsada.
Ayon sa PNP PRO3, pinara at pinahinto ng mga pulis ang truck kasunod ng insidente nang pagbubusina.
Ginawa ito ng kanilang tauhan bilang agarang hakbang upang mapanatili ang kaayusan sa trapiko.
Gayunpaman, aminado ang PNP na ang ganitong mga sitwasyon ay dapat hinaharap nang may paggalang.
Dahil dito, agad nang ni-relieve sa puwesto ang mga sangkot na pulis habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon.
Tiniyak naman ng PNP PRO3 na kapag may napatunayang pagkukulang, agad nilang ipatutupad ang nararapat na hakbang.
Nanindigan din ang ahensya sa kanilang paninindigang maghatid ng tapat at makataong serbisyo sa publiko.