Inirekomenda ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police ang dismissal ng isang patrolman mula sa Laguna Police Provincial Office matapos itong masangkot sa isang kaso ng robbery holdup sa Taguig City noong June 2024.
Ayon sa imbestigasyon, ang pulis, kasama ang dalawang sibilyan, ay nangholdap ng isang indibidwal gamit ang baril habang sakay ng dalawang motorsiklo sa Western Bicutan, Taguig.
Natangay ng mga suspek ang pera at cellphone ng biktima.
Mabilis namang nakahingi ng saklolo ang biktima at sa mabilis na operasyon ng District Mobile Force Battalion, nahuli ang mga suspek at narekober ang ninakaw na gamit.
Sa isinagawang beripikasyon, natuklasan na isa sa mga nahuli ay isang aktibong pulis at ginamit niya mismo ang kanyang PNP-issued firearm sa krimen.
Matapos ang imbestigasyong isinagawa ng IAS, napatunayang guilty ang patrolman sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Binigyang-diin ni IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay na hindi kukunsintihin ng PNP ang ganitong klaseng pag-aabuso sa tungkulin ng mga alagad ng batas.
Tiniyak din ng IAS na ipatutupad ang mahigpit na disiplina sa PNP upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa kanilang hanay.