Arestado ang isang pulis matapos pagbabarilin ang dalawa niyang kasamahan sa Barangay Gaddangao, Rizal, Cagayan bandang alas-10:00 ng gabi nitong Setyembre 13, 2025.

Kinilala ang suspek bilang si alyas Pedring, miyembro ng Philippine National Police (PNP) at residente ng Solana, Cagayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, dumating umano ang suspek sa FVP checkpoint sa naturang barangay at bigla na lamang nagbunot ng kanyang service firearm at tinutok sa kasamahan. Sinubukan pang pakalmahin ng mga kasamang pulis na sina alyas Jey, residente ng Brgy. Cambabangan, Rizal, at alyas Simon, residente ng Brgy. Poblacion, Piat, Cagayan, subalit pinaputukan umano sila ng suspek.

Agad isinugod ang mga biktima sa Bulagao District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival si alyas Simon.

Samantala, nagtamo naman ng tama ng bala sa kanang hita si alyas Jey at inilipat sa ACE Medical Center para sa karagdagang gamutan.

-- ADVERTISEMENT --

Naaresto rin agad ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng Rizal Police Station para sa karampatang disposisyon habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon sa insidente.