PATAY ang isang pulis matapos aksidenteng mahulog sa irigasyon ang minamaneho nitong motorsiklo sa national highway na sakop ng Bago City, Negros Occidental.

Kinilala ang biktimang si Police Staff Sgt. Hero John Trayco, 36, intelligence officer ng Bago City Police Station, may-asawa at residente ng Purok Quarry Site, Barangay Napoles, Bago City.

Batay sa report ng Bago City-PNP, bandang 4:00 AM natagpuan nakataob ang bangkay ng biktima nang nagrorondang tanod sa may irigasyon sa Purok San Pedro, Barangay Napoles, ng nasabing lungsod.

Ayon kay Police Major Emman Anacleto, Bago City deputy police chief, bago ang insidente, nagsasagawa si Trayco ng covert operations bandang 11:51 PM Abril 13, 2025.

Bigla na lamang umanong sumama ang pakiramdam ni Trayco kaya nagpa rekord ito sa kanyang kasamahan na si PSSG Sherwin Bermillo, na uuwi muna siya dahil hindi maganda ang kanyang pakiramdam.

-- ADVERTISEMENT --

Umuwi ang biktima sakay ng kanyang kulay blue na Honda XRM 110cc motorcycle, subalit bago pa man sumikat ang araw, natagpuan na itong nakalutang sa irigasyon.

Rumesponde naman ang mga otoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at dinala sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng hindi nakayanan ng biktima ang karamdaman nito dahilan para mawalan siya ng kontrol sa manibela at nalunod sa irigasyon na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Wala naman nakikitang foul play sa nasabing insidente at natagpuan sa tabi nito ang kanyang service firearm at mga personal niyang gamit.

Naniniwala naman ang pamilya na aksidente ang nangyari sa biktima na may iniindang sakit na hypertension.