TUGUEGARAO CITY-Sugatan ang isang pulis matapos makipag-agawan ng baril sa isang lalaki na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.

Ayon kay P/Major Joefferson Gannaban, hepe ng PNP-Gonzaga, inilabas umano ng suspek na si Danny Angeles, 56-anyos ng Brgy Callao ang kanyang cal. 9mm na baril na may sampung bala habang nakiki-paginuman sa kanyang mga kaibigan.

Dahil sa takot, ipinagbigay alam ng mga kainuman ng suspek sa kapulisan ang ginawa nito.

Nang dumating ang mga pulis ay sinubukang hugutin ng suspek ang kanyang baril ngunit mabilis na nakuha ng hindi na pinangalanang pulis.

Ngunit bago nito, nagkaroon nang agawan sa pagitan ng pulis at suspek sa baril kung saan nakalmot ng suspek ang taas ng kilay ng pulis na sanhi ng pagkasugat nito.

-- ADVERTISEMENT --
Tinig ni P/major Joefferson Gannaban

Samantala, sinabi ni Gannaban na walang kaukulang dokumento ang nakuhang baril mula sa suspek.

Sa ngayon, hawak na ng PNP-Gonzaga si Angeles habang inaalam pa ng kapulisan kung saan at kanino nito nakuha ang kanyang baril.