Nagpaabot ng mensahe para sa Father’s Day si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte para sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang social media post, pinasalamatan ni Cong. Duterte ang dating pangulo para sa ipinakita nitong katatagan, determinasyon, at mga sakripisyo para sa kanilang pamilya at sa mga taong kanyang pinagsilbihan.

Ayon sa mambabatas, nagsilbing huwaran ang kanyang ama sa pagpapalaki sa kanilang magkakapatid sa pamamagitan ng halimbawa, sakripisyo, at pagtayo bilang tagapagtanggol ng pamilya sa panahon ng mga pagsubok.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Sa parehong mensahe, nagpaabot din si Cong. Duterte ng pagbati sa ilang opisyal ng pamahalaan na kanyang inilarawang mga tiwali at aniya’y patuloy na sangkot sa mga maling gawain.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, darating din ang panahon ng pananagutan para sa mga opisyal na umano’y gumagamit ng kanilang posisyon sa maling paraan at nadadamay pa ang kanilang mga pamilya sa kanilang mga ginagawa.