Nanawagan si Davao City Representative Paolo Duterte na pairalin ang katotohanan at due process sa pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Lunes.

Ayon kay Rep. Duterte, umaasa siyang magiging patas, propesyonal, at maayos ang pagdinig ng Senado bilang impeachment court upang mabigyan ng pagkakataon ang kanyang kapatid na sagutin ang lahat ng paratang sa tamang forum. Iginiit din niya na ang mga Pilipino ay nararapat lamang na makaalam ng katotohanan batay sa mga ebidensya at hindi sa mga haka-haka o propaganda.

Sinabi pa ng kongresista na bagama’t mahalagang matukoy ang pananagutan sa pamamagitan ng paglilitis, dapat ding mabigyang-linaw ang umano’y motibo sa likod ng impeachment complaint. Nanawagan siya sa publiko na hayaang manaig ang ebidensya at mga katotohanan habang isinasagawa ang makasaysayang paglilitis sa Ikalawang Pangulo.