Inirekomenda ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na magsagawa ng random drug testing sa Senado kasunod ng hinala na may kawani ng senador na gumamit ng marijuana sa loob ng gusali ng kapulungan.

Kaugnay nito, pinagbakasyon naman ng tanggapan ni Senador Robin Padilla ang dating aktres na tauhan nito na si Nadia Montenegro, na nabanggit sa report ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), kaugnay sa paghahanap noon sa pinagmumulan ng “amoy” ng hinihinalang sinindihang dahon ng marijuana.

Sinabi ni Sotto na nagpatupad siya ng random drug test sa Senado noong siya ang Senate President ng 18th Congress para matiyak na drug free ang kapulungan.

Una rito, iniutos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na imbestigahan ang insidente.

Nagsagawa rin ng sariling imbestigasyon ang tanggapan ni Padilla, matapos mabanggit sa OSAA report ang kawani nito na si Montenegro.

-- ADVERTISEMENT --

Nakasaad din sa OSAA report na itinanggi ni Montenegro na gumagamit siya ng marijuana pero mayroon umano siyang vape na maaaring pinagmulan ng kakaibang “amoy.”

Samantala, nilinaw ni Atty. Rudolf Philip Jurado, chief of staff ni Padilla, pinag- leave of absence at hindi pinagbitiw sa trabaho si Montenegro.

Sinabi rin ni Jurado na pinayuhan nila si Montenegro na magpa-drug test.

Nauna nang sinabi ni Jurado na hiningan na rin nila ng paliwanag si Montenegro na nabanggit sa OSAA report.