Iginiit ni Executive Secretary Ralph Recto na hindi naapektuhan ang operasyon at serbisyo ng PhilHealth sa kabila ng paglilipat ng P60 bilyong pondo nito sa National Treasury noong siya pa ang kalihim ng Department of Finance.

Ang pahayag ay kasunod ng motion for reconsideration na inihain ng ilang abogado at doktor mula Iloilo na kumukuwestiyon sa naging desisyon ng Office of the Ombudsman na ibasura ang mga reklamong plunder, technical malversation, at graft laban kina Recto at dating PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr.

Ayon kay Recto, isinagawa ang paglilipat ng pondo alinsunod sa umiiral na batas at fiscal management policies ng pamahalaan. Aniya, ang pondong inilipat ay mula sa sobrang kontribusyon at reserve funds na hindi ginagamit ng PhilHealth noong panahong iyon.

Binigyang-diin din niya na walang nabawas sa benepisyo at serbisyo ng PhilHealth para sa mga miyembro nito.

Samantala, itinanggi rin ni Recto ang anumang kinalaman sa umano’y pagtaas ng pondo para sa ika-anim na distrito ng Batangas na kinakatawan ng kanyang anak na si Batangas Rep. Ryan Recto, at sinabing ang paglalaan ng budget ay tungkulin ng Kongreso at ipinatutupad ng Department of Budget and Management.

-- ADVERTISEMENT --