Hiniling ng National Bureau of Investigation (NBI) sa International Criminal Police Organization (Interpol) na maglabas ng red notice laban kay dating Ako Bicol Party-List Representative Zaldy Co.

Sinabi ni NBI spokesperson Palmer Mallari na nagpadala na sila ng request for inclusion sa red notice kay Co noon pang November 23.

Ayon sa kanya, isinasailalim na sa ebalwasyon ng Interpol ang kanilang kahilingan.

Ayon sa Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa law enforcement sa buong mundo para hanapin at magpatupad ng provisional arrest sa isang tao na wanted sa humihiling na member country o international tribunal habang nakabinbin ang extradition, pagsuko, o katulad na legal action.

Idineklara ng Sandiganbayan si Co na “fugitive from justice” at ipinag-utos ang pagkansela sa kanyang pasaporte sa gitna ng kinakaharap nitong malversation at graft charges kaugnay sa P289 million substandard road dike project sa Oriental Mindoro.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Mallari na may lead sila sa huling lokasyon ni Co subalit tumanggi siyang magbigay ng detalye upang hindi makompromiso ang kanilang galaw.

Una rito, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nakikipag-ugnayan na sila sa Portugal, dahil sa pinaghihinalaan na may hawak siyang Portuguese passport.