
Maituturing nang aging society ang Cagayan Valley o Region 2 matapos umabot sa 7.5 porsiyento ang populasyon nitong may edad 65 pataas, batay sa 2024 Census of Population ng Philippine Statistics Authority.
Ayon kay Teresa Soriano, Regional Director ng Commission on Population and Development (CPD) Region 2, dulot ito ng patuloy na pagdami ng mga senior citizen kasabay ng pagbaba ng birth rate sa rehiyon.
Batay sa pamantayan ng United Nations, maituturing na aging society ang isang lugar kapag umabot sa pitong porsiyento ang populasyong edad 65 pataas, habang aged population naman kapag umabot sa 14 porsiyento.
Lumabas din sa datos na patuloy na kumakaunti ang mga batang edad zero hanggang 14, habang tumataas naman ang edad ng mga nagpapakasal. Nasa 28 anyos na ang median age ng mga lalaki at 26 anyos sa mga babae.
Inaasahan namang pagsapit ng 2028 ay maituturing nang aging population ang buong Pilipinas.
Sa Region 2, kabilang sa mga nauna nang nakapagtala nito ang Batanes noong 2010, gayundin ang Ballesteros sa Cagayan at San Isidro sa Isabela.
Paliwanag ni Soriano, isa sa mga dahilan nito ang paglipat ng mga kabataan sa ibang lugar upang mag-aral at magtrabaho, kung saan marami ang hindi na bumabalik sa kanilang mga probinsya matapos makapagtapos.
Kaugnay nito, isasagawa sa Nobyembre 23 hanggang 29 ang Population and Development Week upang palawakin ang kaalaman ng publiko sa mga usaping may kaugnayan sa populasyon at pag-unlad.










