TUGUEGARAO CITY – Inatasan ng Provincial Natural Resources Environment Office (PNREO) ang mga quarry operators sa Cagayan na magsagawa ng rehabilitation sa kanilang lugar ng operasyon araw-araw.
Ito’y kasunod ng reklamong natanggap ng Bombo Radyo kaugnay sa sunud-sunod na insidente ng muntikang pagkalunod ng tatlong katao sa quarry site sa Pinacanauan river sa Barangay Parabba, Peñablanca.
Sa ipinatawag na pulong, inatasan ni Edwin Buendia, detailed quarry chief ng PNREO ang mga quarry operators sa Peñablanca na ipatag ang mga malalalim na bahagi ng ilog at tanggalin ang mga waste materials upang masiguro ang patuloy na pagdaloy ng tubig.
Ipinag-utos rin ni Buendia ang paglalagay ng mga warning signs sa mga quarry sites hanggang sa susunod na Linggo bilang babala sa publiko.
Nagbabala naman si Buendia sa pagbawi ng permit o pagpapasara sa kanilang operasyon kung makitaan ang mga ito ng hindi maayos na quarrying activities.
Susunod na pupulungin ng quarry division ng PNREO ang mga quarry operators sa ilang bayan sa lalawigan para sa kanilang quarrying activities.
Matatandaang, ipinag-utos ni Buendia ang pagpapatigil sa quarry operation sa Barangay Rapuli, Sta Ana dahil sa pagkuha ng buhangin na lampas sa kanilang designated area.
Kabilang rin sa mga ipinasara ng PNREO ang mountain quarry sa bayan ng Iguig dahil sa peligrong idudulot ng malalim na paghuhukay sa bundok.
Paliwanag pa ng opisyal na kailangang masunod ng mga concessionaires ang kanilang mga rekomendasyon upang muli silang payagan sa kanilang operasyon.