pccto

Tuguegarao City- Patuloy na iniimbestigahan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Cagayan ang umanoy paglilinis at pagtatanim ng mga puno ng niyog ng ilang grupo sa itinuturing na water shed area at Forest Zone ng Brgy. Sta. Clara at Kapanikian sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.

Ito ay kasunod ng reklamo ng Sta. Ana Alliance for Social and Environment Concern (SAASEC) matapos na makita ang mga naiaanod na mga pinutol na kahoy na nagmumula sa mga nabanggit na lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Isamael Manaligod ng PENRO Cagayan, nakipag-ugnayan na sila sa LGU Sta. Ana at maging sa mga Barangay Officials upang bantayan ang lugar habang isinsasagawa ang imbestigasyon.

Sinabi niya na nakatakda silang magsagawa ng drone survey upang malaman ang mga aktibidad sa mga nabanggit na lugar na malapit sa paanan ng Siera Madre mountain.

Depensa aniya ng mga nakausap na nilang miyembro ng grupo ay ginagawa lamang nila itong alternatibo upang may pagkakitaan ngayong panahon ng pandemya.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman ay iginiit ni Atty. Manaligod na kung mapapatunayan na may mga pinsala sa lugar ay mananagot sa batas ang nasabing grupo.

Paliwanag niya na hindi dapat palitan at galawin ang mga natural na tumutubong halaman at mga punong kahoy sa lugar na pumuprotekta sa water shed area at sa kabundukan ng Siera Madre.

Mahalaga aniya na protektahan ang mga wildlife at biodiversity upang mapanatili ang natural na ganda ng kalikasan.

Maalalang naghain ng reklamo ang Sta. Ana Alliance for Social and Environment Concern laban sa umano’y grupo ng Sta. Ana Tawid Gutom Agri-Forest Association dahil sa pagkabahalang tuluyang mawasak ang buffer zone ng water shed area na nagsusuply ng tubig sa mga sakahan ng Brgy. Kapanikian, Marede Visitacion at Dungeg na mga itinuturing na rice granary ng bayan ng Sta. Ana.

Kaugnay nito ay una nang inihayag ni Sister Minerva Caamtued ng SAASEC na sa pagbisita ng kanilang grupo sa lugar aymay nakitang silang mga tinistis na kahoy.