Tuguegarao City- Pinabulaanan ng pamahalaang bayan ng Amulung ang reklamong walang wastong checkpoints at monitoring sa banta ng African Swine Fever (ASF) sa naturang bayan.
Ito ay matapos magreklamo ang isang concered citizen kaugnay sa mga karatulang nakapaskil lamang umano sa mga entry points ng Amulung.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Elpidio Rendon, nagpalabas umano ito ng Executive Order matapos mapabalita ang insidente ng pagkamatay ng mga baboy sa ilang barangay sa bayan ng Solana.
Aniya, hinimok nito ang lahat ng mga barangay captain na tumulong sa ginagawang monitoring sa pagpasok ng mga karne at produktong baboy sa naturang bayan.
Inihayag pa nito na hindi tumitigil ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng Amulung sa pag-iikot upang mamonitor ang kaso ng ASF sa kanilang bayan.
Nanawagan naman ito na ipaabot lamang sa kanilang tanggapan ang mga reklamo at obserbasyon hinggil sa naturang usapin upang agad itong matugunan.