
Tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na pananagutin ang bawat pulis sakaling magkaroon ng karahasan sa unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Ayon kay Remulla, hindi na dapat maulit ang naganap na ambush sa convoy ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua noong Agosto 15 sa Datu Odin Sinsuat.
Dagdag niya, nakahanda na ang pamahalaan at nasa 98 porsiyento na ang kahandaan para sa halalan.
Magde-deploy naman ng karagdagang 5,000 pulis sa September 14, habang aabot sa 10,000 pulis ang kabuuang puwersang itatalaga sa araw ng halalan.
Sinabi rin ni Remulla na nangako ang Moro Islamic Liberation Front o MILF at mga tropang pamahalaan na susunod sa batas at igagalang ang BARMM elections.










