
Nakatakdang bumiyahe sa France si Ombudsman Jesus Crispin Remulla upang makipag-usap sa mga awtoridad doon at ipabatid na hindi dapat maging kanlungan ng mga taong sangkot sa mga kasong kriminal at imbestigasyon sa Pilipinas ang naturang bansa.
Kabilang sa mga personalidad na nasa France ngayon si dating House appropriations panel chairperson Zaldy Co, na nahaharap sa kasong plunder, malversation at graft kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control project.
Iniimbestigahan din sina Senador Loren Legarda at anak nitong si Batangas Representative Leandro Leviste kaugnay ng umano’y kabiguan ng kompanya ni Leviste na tumupad sa mga obligasyon nito sa ilalim ng congressional franchise. Itinanggi naman nina Co, Legarda at Leviste ang mga alegasyon laban sa kanila.
Sinabi ni Remulla na wala pa siyang impormasyon kung may naghain na ng asylum application ang mga nabanggit na personalidad, ngunit magiging maagap ang Ombudsman sa pakikipag-ugnayan sa mga dayuhang awtoridad.
Ayon kay Remulla, ayaw niyang magkaroon ng reputasyon ang France bilang lugar na pinagtataguan ng ill-gotten wealth o nakaw na yaman na dapat sana’y napapakinabangan ng mga Pilipino.










