
Sa gitna ng banta ng posibleng kakulangan sa suplay ng langis mula sa Middle East, muling iginiit ang kahalagahan ng pagpapalakas ng renewable energy at energy independence ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao sa Rizal Commercial Banking Corporation Economist na si Michael Ricafort, ang patuloy na pagdepende ng bansa sa imported na langis ay naglalagay sa ekonomiya sa alanganin tuwing may geopolitical tensions sa mga pangunahing oil-producing regions.
Aniya, ang ganitong sitwasyon ay nagsisilbing “wake-up call” upang mas paigtingin ang paggamit ng alternatibong pinagkukunan ng enerhiya tulad ng solar at wind power, na hindi apektado ng global supply shocks.
Dagdag pa ni Ricafort, bukod sa pagtugon sa agarang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, mahalaga ring tutukan ang long-term solutions gaya ng diversification ng energy sources at pagpapalakas ng lokal na kapasidad sa enerhiya.
Sa ganitong paraan, mababawasan ang epekto ng external factors sa presyo ng kuryente, transportasyon, at iba pang pangunahing serbisyo sa bansa.
Samantala, nananatiling hamon sa pamahalaan ang pagpapatupad ng konkretong hakbang upang mapabilis ang transition patungo sa mas sustainable at self-reliant na energy sector, lalo na sa harap ng patuloy na banta ng krisis sa global oil supply.









