
Natagpuang kinakalas ang isang nirentahang sasakyan sa isang talyer sa Barangay Doña Imelda, Quezon City, na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na katao.
Hindi naibalik ang sasakyan matapos itong iparenta noong Semana Santa. Gumamit ng GPS tracker ang may-ari upang matunton ang lokasyon nito. Dalawa sa tatlong tracker ang natanggal, ngunit may isang naiwan na nagbigay ng signal na nagdala sa mga awtoridad sa naturang talyer.
Ayon sa imbestigasyon, ang umupa ng sasakyan ay dati nang nakatransaksyon ng may-ari at sinabing gagamitin lamang ito sa Bulacan. Subalit bago ang takdang oras ng pagbabalik, hindi na ito nakontak.
Sa pagdating ng mga pulis sa lugar, nadiskubre ang sasakyan na hinihiwa-hiwalay na at agad na inaresto ang apat na suspek na umano’y tumutulong sa pagbabaklas.
Sasampahan ng kasong carnapping ang umupa ng sasakyan at ang hinihinalang utak ng grupo na sangkot sa tinatawag na rent-a-chop scheme. Patuloy pang tinutugis ang iba pang kasabwat.






