Isinusulong ni Leyte Representative Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagbuo ng isang regional rapid-response network na binubuo ng mga mental health at child protection professionals upang mapabilis ang pagtugon sa mga insidente ng karahasan sa mga paaralan. Ito ay kasunod ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng mahigit 20 iba pa.

Sa pulong kasama ang mga opisyal ng CHED, DepEd, DOH, at DSWD, sinabi ni Romualdez na nais niyang magtatag ng regional network ng mga psychologist, psychiatrist, guidance counselor, at social worker na maaaring agad na maipadala sa mga lugar na nangangailangan ng agarang psychosocial intervention. Kabilang din sa kanyang panukala ang regular na seminar sa mental health, child protection, at violence prevention para sa mga estudyante, guro, at mga magulang.

Layunin din ng mambabatas na palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan, mga paaralan, at lokal na komunidad upang mas mapabuti ang child protection at school safety. Binanggit din niya ang pagpapalawak ng school mental health programs, pagdaragdag ng guidance counselors at social workers, pagpapalakas ng Good Manners and Right Conduct (GMRC), at pagrepaso sa mga patakaran sa ligtas na paggamit ng social media ng mga menor de edad.

Nagpahayag ng pakikiramay si Romualdez sa mga pamilya ng mga biktima at iginiit na hindi sapat ang pakikiramay lamang. Aniya, kailangang magsagawa ng kongkretong hakbang upang maiwasan ang pag-ulit ng mga ganitong trahedya at matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan.