
Itinutulak ni Manila Third District Representative Joel Chua ang mas mahigpit na regulasyon sa social media platforms at ang posibilidad na obligahin ang mga ito na kumuha ng prangkisa, kasunod ng mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Ayon kay Chua, panahon na upang pag-aralan ang mas mahigpit na pamamahala sa social media, lalo na sa nilalamang nakaaapekto sa asal at pagpapahalaga ng mga kabataan. Nilinaw naman niyang hindi layuning pigilan ang social media kundi ang regulasyon sa mga content na inilalathala rito.
Hindi rin sang-ayon ang kongresista sa panukalang ibaba ang edad ng criminal responsibility. Aniya, ang ugat ng problema ay hindi edad kundi ang paghina ng moral values at moral compass ng kabataan.
Nanawagan din si Chua sa mga opisyal ng pamahalaan na maging maingat sa kanilang mga kilos at pahayag dahil maaari itong tularan ng mga kabataan.










