Nakatakdang humingi ang Department of Justice (DOJ) ng Interpol blue notice laban kay Ako Bicol Rep. Zaldy para matukoy at mamonitor ang kanyang kinaroroonan abroad sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon sa katiwalian sa flood control projects.
Ipinaliwanag ni DOJ Secretary Crispin Remulla na ang notice ay magbibigay ng pahintulot sa mga awtoridad na subaybayan ang galaw ni Co sa ibang bansa, dahil siya ay itinuturing na subjet para sa criminal investigation.
Idinagdag pa ni Remulla na nasa Europe na si Co, kung saan sa text messages, siya ngayon ay nasa France matapos ang unang ulat na siya ay nasa Spain.
Si Co ay kabilang sa 21 indibidual na inirekomendang kasuhan ng National Bureau of Investigation kaugnay sa mga maanomalyang flood control deals.
Pinabulaanan ni Co ang mga alegasyon laban sa kanya subalit lumalaki ang pressure para siya ay bumalik sa bansa para sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.
Una rito, sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco na ang mga party-list group na konektado kay Co ay nakakuha ng mahigit P4 billion sa Department of Public Works and Highways allocations, bukod pa sa P13 billion na nakalista sa kanyang pangalan.
Si Co din ang natukoy na may-ari ng Sunwest Construction and Development Corp., isa sa 15 contractors na nakakuha ng 18 percent, o P100 billion ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon.
Unang naiulat na siya ay umalis papuntang Estados Unidos para sa medical treatment, subalit sinabi ni Remulla na sa kasalukuyan, siya ngayon ay nasa France.
Una rito, binawi ni House Speaker Bojie Dy III ang travel clearance ni Co at binigyan siya ng hanggang Sept. 29 na bumalik ng bansa, at kung mabibigo ay magreresulta sa disciplinary at legal action ng Kamara.