TUGUEGARAO CITY-Papunta na ng Itbayat ang grupo ni Batanes Governor Marilou Cayco para tignan ang sitwasyon doon matapos ang naranasang malalakas na lindol.

Sinabi ni Cayco na magdadala din sila ng mga pagkain inuming tubig sa nasabing lugar para sa mga evacuees na ngayon ay lumikas sa plaza dahil sa mga aftershocks.

Bukod dito, sinabi ni Cayco na may pupunta na rin na eroplano sa Itbayat na magdadala ng mga sugatan papuntang Basco, Batanes dahil sa kulang sa pasilidad ang ospital sa Itbayat lalo na at may lima sa 60 injured ang nasa kritikal na kundisyon.

Samantala, nakilala na rin ang walong namatay sa lindol na sina Eva Valiente, 19, at anak na si Fiona,10 months old, Mary Rose Valiente, 13, Genward Mina, 31 at Teresita Gulaga, 76, Fausta Caan, 70, Tito Asa, 80 at kanyang apo na si Haisly Naquita na 5 days old pa lamang.

Nabatid na ang mga nasabing biktima ay nadaganan matapos na gumuho ang kanilang mga bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Brigadier General Lawrence Mina, commanding officer ng 502nd Infantry Brigade na tumutulong ang mga CAFGU at isang platoon ng Marines sa rescue efforts sa Itbayat.

Sinabi pa ni Mina na may ipapadala na rin ang Philippine Air Force na eroplano mula sa Villamor Airbase lulan ang mga duktor at mga nurse.

Idinagdag pa niya na nakahanda ring pumunta ng Itbayat ang disaster response team ng 5th Infantry Division kung kakailanganin ang kanilang tulong.

Kaugnay nito, sinabi ni Victor Gonzales, isang CAFGU na isa sa mga rescuer na inilabas ang lahat ng pasyente sa ospital ng Batanes para sa kanilang kaligtasan dahil sa mga aftershocks.

Idinagdag pa niya na nasa state of shock ang mga residente ng Itbayat dahil sa hindi nila inasahan ang matinding epekto ng magkasunod na lindol.

Ayon sa kanya, katuwang nila ngayon sa pagtulong sa mga evacuees at sa mga injured ang Philippine Coast Guard, Philippine Marines at at iba pang rescue teams.