Iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ang inihain nilang resolusyon sa Senado ay naglalayong bigyan ng legal na remedyo ang mga Pilipino bago sila i-turnover sa International Criminal Court (ICC).

Sa ilalim ng resolusyon, kailangang dumaan muna sa mga korte sa Pilipinas ang anumang arrest warrant mula sa ICC bago ito maipatupad.

Ayon kay Cayetano, nakasentro ang isyu sa interpretasyon ng Section 17 ng Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, na nagpapahintulot sa gobyerno na i-turnover ang isang mamamayan o residente kung may imbestigasyon o prosekusyon nang isinasagawa ang ibang korte o international tribunal.

Aniya, kung walang malinaw na proseso, maaaring madaliin ang pagpapadala ng isang Pilipino sa ibang bansa nang hindi nabibigyan ng sapat na panahon upang makapaghain ng apela o dumulog sa korte.

Dagdag pa niya, magiging mas sensitibo ang usapin kung maglalabas ng warrant laban sa iba pang Pilipino, kabilang ang matataas na opisyal ng pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Cayetano na hindi umano ito para lamang kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang humaharap sa kasong crimes against humanity sa ICC.

Sa kanyang sponsorship speech, binanggit din niya ang probisyon ng 1987 Constitution na nagpoprotekta sa mga mamamayan laban sa unreasonable searches and seizures.

Nauna nang nagpahayag ng suporta sa resolusyon sina Sens. Christopher Lawrence Go, Robin Padilla, Imee Marcos, Rodante Marcoleta, at Jinggoy Estrada.

Magpapatuloy ang interpellation sa susunod na linggo bago bumoto ang plenaryo kung aaprubahan ang resolusyon, na magsasaad lamang ng posisyon ng Senado at hindi magiging legally binding.