Nakatakdang iprisinta ng PNP Highway Patrol Group sa pagbabalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa mula Thailand ang resulta ng imbestigasyon sa Apayao tragedy na ikinasawi ng 19 katao at ikinasugat ng 21.

Ito’y makaraang ipag-utos ng Pangulo kay Transportation Sec. Arthur Tugade na masusing imbestigahan ang road crash at magpatupad ng ‘precautions’ o pag-iingat para hindi na maulit pa ang kahalintulad na pangyayari.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni LTCOL Oliver Tanseco, national chief management operations division ng HPG na nasa 50% na ang natapos sa isinasagawa nilang imbestigasyon, kasama ang Land Transportation Office, PNP, Department of Public Works and Highways at LGU.

Lumalabas sa insiyal na imbestigasyon na driver’s error at overloading ang dahilan ng pagkahulog ng elf truck sa 15 metrong lalim na bangin noong bisperas ng Undas Sitio Gassud, Brgy. Karikitan.

Hindi rin aniya maituturing na aksidente ang nangyari at tiniyak niyang mananagot sa batas ang driver at may-ari ng elf truck sa kanilang kapabayaan sa paggamit ng ganitong uri ng sasakyan bilang pampasahero.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakda namang kausapin ni PBGEN Dionardo Carlos, national director ng HPG ang mga survivors sa road crash incident bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.

Inatasan rin ni Carlos ang PNP sa buong bansa na ipatupad ang road safety lalo na sa mga overloaded na sasakyan.