Posibleng makaapekto sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte sa resulta ng senatorial elections sa sandaling mag-convene ang mga senador bilang impeachment court.
Kailangan ng 16 na boto, o two-thirds ng senator-judges para ma-convict si VP Duterte sa kanyang impeachment, habang siyam ang kailangan niya para mapawalang-sala.
Sinabi ni Professor Aries Arugay, chairman ng Department of Political Science sa UP Diliman, mayroon nang pitong senators sa 20th Congress na inaasahan na boboto para sa acquittal ni VP Duterte.
Ang mga ito ay sina Senators Christopher “Bong” Go at Ronald “Bato” Dela Rosa, at SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta, na No. 1, No. 3, at No. 6 sa senatorial race batay sa partial at unofficial tally mula Comelec media server.
Naniniwala din si Arugay na suportado rin nina House Deputy Speaker Las Piñas Rep. Camille Villar at Sen. Imee Marcos matapos na iindorso ng vice president ang kanilang kandidatura ilang linggo bago ang halalan.
Sina Villar at Marcos ay nasa senatorial ticket din na ikinampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sasamahan ng mga ito ang mga kaalyado ni Duterte sina Senators Robin Padilla at Alan Peter Cayetano na magtatapos ang kanilang termino sa 2028.
Ang mga nagbabalik na mga senador na sina Vicente “Tito” Sotto III, at Panfilo “Ping” Lacson, reelectionists Pia Cayetano, at Lito Lapid, at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo, na pasok sa Magic 12 base sa partial and unofficial results, ay tumakbo sa ilalim ng Marcos administration slate.
Ayon kay Arugay, mahirap na malaman kung ano ang magiging boto ng mga senador na tumakbo noong 2022 sa ilalim ng UniTeam coalition ni Marcos at Vice President Duterte.
Kasabay nito, sinabi ni Arugay na magiging crucial ang mga ebidensiyang ipiprisinta sa paglilitis, dahil posibleng magkaroon ng impact sa magiging boto ng mga senador.
Una rito, nanawagan si Senate President Francis Escudero sa mga senador na maging impartial sa paglilitis, na inaasahan na magsisimula sa July 30.