Nagpapatuloy pa rin ang search and retrieval operation ng mga otoridad sa nalunod na estudyante sa Cagayan river sa bayan ng Iguig nitong Sabado.
Kinilala ang biktima na si Julian Clyde Calonia, 20-anyos, binata at residente ng Brgy San Isidro sa naturang bayan.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Head Susan Darauay, umaga ng Sabado nang magkayayaang mag-picnic sa ilog ang biktima, kasama ang kanyang kaibigan at kamag-anak na pawang mga babae.
Dahil kaarawan ng isa sa mga kasamang babae ay kumain ang mga ito sa tabing ilog at pagkatapos ay naisipan nilang makipag-karera sa paglangoy hanggang sa nakarating umano ang mga ito sa malalim na bahagi ng ilog.
Matagumpay namang nakabalik sa pampang ang tatlong babae subalit bigong makaahon ang lalaking biktima bandang alas 2:00 ng hapon.
Sa ngayon ay tumutulong na rin ang Task Force Lingkod Cagayan na nakabase sa bayan ng Amulung sa search and retrieval operation para sa mabilisang pagkaka-rekober sa biktima.
Si Calonia ay tinatayang nasa 5’8″ ang tangkad, nakasuot ng muscled yellow t-shirt, at naka-shorts ng kulay green at white
Samantala, posibleng pagkalunod rin ang dahilan ng pagkasawi ng hindi pa nakikilalang bangkay ng babae na natagpuang palutang-lutang sa Cagayan river na bahagi ng Brgy. Carallangan sa bayan ng Alcala, nitong Linggo ng umaga.
Ayon kay MDRRMO Head Herome Ibarra, wala pang kumukuhang kaanak sa narekober na bangkay na inilarawang nasa edad 20 hanggang 30, nakasuot ng garterize na maong shorts, walang pang-itaas, at pantay suklay ang gupit ng buhok.
Bloated na nang marekober ng mga residente at pulisya ang bangkay na tinatayang mahigit isang araw nang nalunod.
Ang bangkay ay kasalukuyang nasa punenarya sa nasabing bayan.
Nanawagan naman si Ibarra sa mga may nawawalang kamag-anak na makipag-ugnayan sa kanila o sa PNP.