TUGUEGARAO CITY- Iginiit ni Atty. Francisco Buan, national spokesperson ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee o MRRD-NECC na ang layunin ng kanilang isinusulong na revolutionary government ay para matulungan si Pangulong Duterte na matupad ang kanyang mga pangako noong panahon ng kampanya.
Binigyan diin din niya na hindi ito isang marahas na hakbang tulad ng sinasabi ng ilang law experts.
Idinagdag pa niya na layunin din nito na isulong ang programa para sa kapakanan ng mamamayan.
Kasabay nito, nilinaw ni Buan na hindi nila hinihingi ang suporta ng militar, PNP at ni Pangulong Duterte sa revolutionary government.
Ayon sa kanya, ang kanilang ipinadalang sulat sa Department of National Defense at maging sa AFP para mailatag ang nilalaman ng nasabing uri ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Buan na batay sa kanilang panukalang revolutionary government, ito ay pamumunuan mismo ni Pangulong Duterte at kasunod nito ay ang pagpapatupad ng federal form of government.
Sinabi niya na ang gagamiting konstitusyon dito ay ang binuong draft ng Bayanihan constitution ng consultative committee at nakalagay dito ang amendments ng kanilang grupo.
Matatandaan na noong August 22, nasa 300 katao kabilang ang mga supporters online ang nagtipon tipon sa Clark Freeport sa Pampanga para ipakita ang kanilang suporta sa gusto nilang revolutionary government.