Patay ang isang 38-anyos na rider matapos bumangga ang minaneho niyang motorsiklo sa kasalubong na pampasaherong van sa bayan ng Gattaran, Cagayan.
Kinilala ang nasawi na si Jonathan Apolinario, residente ng Brgy Hacienda Intal, Baggao.
Ayon kay PMAJ Krismar Angelo Casillana, hepe ng PNP-Gattaran, galing sa bayan ng Lallo ang biktima at pauwi na sana sa bayan ng Baggao nang gabing mangyari ang aksidente.
Nangyari ang aksidente sa Brgy Aguiguican, Gattaran malapit sa tulay at sa ginagawang shoulder lane ng lansangan kung saan nangpang-abot ang motorsiklo at van na minaneho ni Carlito Bernardo na residente sa bayan ng Lallo.
Matapos mabangga ay dumiretso ang van sa kanang bahagi ng kalsada at tinumbok ang isang poste ng kuryente bago tuluyang nahulog sa bahagi ng palayan na may lalim na 10 metro.
Pansamantala namang nawalan ng suplay ng kuryente sa halos buong bayan dahil sa naputol na poste ngunit naibalik naman matapos ang ilang oras na pagkukumpuni.
Dahil sa mga tinamong sugat at mga bali sa katawan ay hindi na umabot ng buhay ang biktima sa pagamutan habang ligtas naman sa kapahamakan ang tatlong sakay ng van.
Sa ngayon ay nagkaroon na rin ng inisyal na pag-uusap at kasunduan ang suspek sa pamilya ng nasawing biktima