Nasawi ang isang rider habang dalawa ang sugatan nang matumba ang minamanehong motorsiklo matapos masagi ang isang lalaking naglalakad sa lansangan sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Kinilala ang driver ng motorsiklo na dead on arrival sa pagamutan na si John Carlo Capala, residente ng Brgy San Vicente, Baggao.

Sugatan naman at patuloy na ginagamot sa pagamutan ang backrider nitong estudyante na si Kyle Asuncion, 17-anyos, residente ng Brgy Masical habang nakalabas na sa pagamutan ang nasaging biktima na si Ryan Oge, 26-anyos ng Brgy Temblique.

Ayon kay PCAPT Jacguelyn Urian, deputy chief of police ng PNP-Baggao, dakong alas 2:00 ng madaling araw nang mangyari ang aksidente sa madilim at hangganan ng palikong bahagi ng lansangan sa Brgy Temblique kung saan papauwi na ang mga sangkot na pawang nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin.

Nabatid na unang nabangga ng motorsiklo ang biktima sa bandang likuran na dahilan ng kanilang pagkakatumba kung saan nabagok ang ulo ng driver na walang suot na helmet.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Urian na aminado ang backrider na nahagip nila ang biktima kung kaya walang maisasampang kaso kaugnay sa pagkasawi ng driver ng motorsiklo.