Dead on arrival sa pagamutan ang isang motorista nang mabangga ang isang kalabaw na naputol sa pagkakatali sa Brgy Baculod, Amulung, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Jonnel Villar, 22-anyos at residente ng Brgy Tupang, Alcala.

Ayon kay PCOR Julito Mora ng PNP-Amulung, papuntang Tuguegarao ang biktima bandang alas 11:00 ng gabi at nang makarating sa madilim na bahagi ng lansangan sa boundary ng bayan ng Amulung at Alcala ay bigla umanong sumulpot at tumawid sa kalsada ang mag-inang kalabaw.

Dahil dito ay sumalpok si Villar sa isang kalabaw na dahilan ng kanyang pagkakatumba kung saan nabagok ang ulo nito sa sementadong bahagi ng lansangan.

Sinabi ni Mora na bagamat mayroong nakitang helmet sa lugar ay posibleng hindi ito isinuot ng biktima dahil wala man lamang nakitang gasgas sa naturang helmet.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay tukoy na ng pulisya ang may-ari ng kalabaw kung saan nagkaroon na rin ng inisyal na pag-uusap sa pagitan ng dalawang panig.