Magpapatupad ang pamahalaang lungsod ng Quezon City ng mga road closure at zipper lane sa ilang pangunahing kalsada simula sa gabi ng Pebrero 24 hanggang Pebrero 25, bilang paghahanda sa ilulunsad na “Trillion Peso March 3.”

Pangungunahan ng Caritas Philippines at iba pang civil society groups ang aktibidad, at inaasahang magpapakilos ng maraming kalahok.

Magsisimula ang zipper lane sa White Plains Avenue (mula EDSA hanggang Katipunan Avenue) sa ganap na alas-9 ng gabi ng Martes upang bigyang-daan ang pagdating ng mga raliyista, habang tuluyan namang isasara ang naturang kalsada sa trapiko pagsapit ng alas-6 ng umaga ng Miyerkules para sa mismong rally.

Nagbabala ang Quezon City Traffic and Transport Management Department (TTMD) na asahan ang matinding pagsisikip ng trapiko sa mga bahagi ng EDSA, Katipunan Avenue, Ortigas Avenue, at Temple Drive.

Upang umalalay sa mga motorista at tiyakin ang kaayusan, magpapakalat ng mga tauhan mula sa QCPD, MMDA, at mga traffic units ng lungsod sa mga apektadong lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayuhan ang publiko na gumamit ng mga alternatibong ruta at agahan ang pagbiyahe upang hindi maabala ng inaasahang dagsa ng tao malapit sa monumento.