
Binatikos ng House prosecution panel si Senator-Judge Robin Padilla matapos niyang ihalintulad ang mga alyas na ginamit ng mga bayani ng Pilipinas at yumaong senador na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa mga umano’y hindi pangkaraniwang pangalan ng mga nakatanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President.
Ayon kay House prosecution panel spokesperson Zia Adiong, isang Muslim tulad ni Padilla, insulto umano sa alaala at sakripisyo ng mga pambansang bayani ang paglalagay sa kanila sa kaparehong kategorya ng mga pangalang gaya nina Mico Harina, Andy Lim, Shane Ngitngit at Xuniso Belat.
Giit ni Adiong, ginamit ng mga bayani ang kanilang mga alyas bilang bahagi ng kanilang pakikibaka para sa bansa, samantalang ang mga pangalang nakasaad sa acknowledgment receipts ng confidential funds ang siyang kinukuwestiyon sa impeachment trial.
Sinabi naman ng prosecution panel spokesperson na si Ortega na hindi ginamit ng mga bayani ang kanilang mga alyas upang manloko o mang-abuso ng pondo ng bayan.
Tinukoy niya ang mga pangalang lumitaw sa liquidation documents ng P500 million confidential funds ng OVP mula 2022 hanggang 2023, kabilang ang mga pangalang kahawig ng mga brand ng junk food na tinawag na “Chichirya Gang.”
Samantala, ipinagtanggol ni Padilla ang paggamit ng mga alyas, lalo na sa mga sensitibo at mapanganib na operasyon. Kabilang sa mga halimbawa niyang binanggit ang “Dimasalang,” “Siling Labuyo,” “Maypag-asa,” “Magtalo” at “Leon Kilat.”
Ibinahagi rin ni Padilla ang paggamit ni dating senador Ninoy Aquino ng alyas na “Marcial Bonifacio” nang bumalik ito sa Pilipinas mula sa pagkakatapon noong 1983.
Gayunman, nilinaw ni Senator-Judge Bam Aquino, pamangkin ni Ninoy, na bagama’t gumamit ng alyas ang kanyang tiyuhin, wala itong confidential funds at hindi kabilang ang pangalan nito sa mga acknowledgment receipts na sinusuri sa impeachment trial.










