Inanunsiyo ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na asahan ng mga motorista ang malaking pagbaba sa presyo ng diesel at kerosene sa susunod na linggo.

Ayon kay Assistant Director Rodela Romero, maaaring bumaba ang presyo ng diesel at kerosene ng hanggang P3 kada litro, habang P0.40 naman sa gasoline, batay sa nakaraang apat na araw ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at sa operating costs ng mga kumpanya.

Kabilang sa mga dahilan ng pagbaba ang posibilidad ng ceasefire sa pagitan ng Ukraine at Russia, na maaaring mag-alis ng Western sanctions sa langis ng Russia, at ang pagsusuri ng mga investor sa posibleng sobrang suplay sa merkado ng langis.

Tinataya ng Jetti Petroleum na P3.00 hanggang P3.20 ang mabawas sa diesel at P0 hanggang P0.10 sa gasolina. Anila, ang malaking pagbaba sa diesel ay dahil sa market correction dulot ng pag-ayos ng presyo ng crude oil, habang ang presyo ng gasoline ay bahagyang tumaas dahil sa premium at freight costs.

Ipinaaalam ng mga kumpanya ng langis ang presyo tuwing Lunes at ipatutupad ito sa Martes.

-- ADVERTISEMENT --