Napatumba ng isang F-16 fighter jet ng Romania ang isa pang Russian drone sa ibabaw ng Black Sea, ayon sa Romanian Defense Ministry. Ito na ang ikatlong drone na napabagsak ng bansa sa loob ng tatlong magkakasunod na araw matapos ang sunod-sunod na paglabag sa airspace ng Romania.
Kinondena ni Pangulong Nicusor Dan ang mga insidente at iginiit na hindi katanggap-tanggap ang patuloy na pagpasok ng mga Russian drone sa airspace ng Romania, na bahagi rin ng himpapawid ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) at European Union. Aniya, seryosong tinutugunan ng Romania at ng mga kaalyado nito ang naturang mga paglabag.
Ayon sa Romanian Foreign Ministry, ipinatawag na nito ang Russian ambassador kaugnay ng paulit-ulit na paglabag sa airspace ng bansa, habang sinabi ni Punong Ministro Ilie Bolojan na hindi katanggap-tanggap ang mga insidente. Wala namang inilabas na pahayag ang Russia hinggil sa mga pangyayari.
Sinabi ng Romanian Defense Ministry na pinabagsak ang drone sa ligtas na bahagi ng territorial waters, may 12 kilometro sa hilagang-silangan ng baybaying bayan ng Sulina. Mula nang magsimula ang digmaan sa Ukraine, 33 beses nang naitalang pumasok ang mga Russian drone sa airspace ng Romania.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga drone na napatumba nitong Sabado at Linggo, habang nakarekober na ang mga imbestigador ng mga piraso ng drone na unang napabagsak noong Biyernes. Samantala, sinabi ng NATO na nagpapatuloy pa ang beripikasyon sa mga detalye ng pinakahuling insidente.










