Mariing pinabulaanan ni dating House Speaker Martin Romualdez ang alegasyon ni Vice President Sara Duterte na sangkot ito sa illegal gambling.

“Naririnig ko ang mga akusasyon. Diretsahan kong sasabihin: hindi totoo na ako’y tumatanggap mula sa ilegal na sugal,” pahayag ni Romualdez.

Aniya, ang storya na mayroong mga “suitcases of cash” na ipinadala sa kanya ay malinaw na imbento na naglalayon lamang na siraan sya.
Binigyang diin pa ni Romualded, “These stories about ‘suitcases of cash’ are pure fiction. Lahat guni-guni. Madaling magturo, madaling mag-imbento — pero ang katotohanan, hindi kayang patunayan. Until today, wala pa ring ipinakitang ebidensya — puro sabi-sabi lang na inuulit-ulit,” ani Romualdez.

Pinabulaanan din nito na sangkot sya sa Okada/Delaware dispute.

Ayon sa kanya, hindi umano siya kasali sa usapin, at hindi rin siya sa mga iniimbestigahan, at hindi rin siya akusado.

-- ADVERTISEMENT --

“Wala akong kinalaman sa kasong iyon, na away ng dalawang negosyo. Binabalik lang ngayon para siraan ako.”

Binweltahan pa ni Romualdez si VP Sara sa pagsasabing nagkakalat ito ng mga kasinungalingan gayong maging ito ay nahaharap sa ilang isyu.

“Nakakalungkot na ang mismong Bise Presidente, na inakusahan at na-impeached ng House dahil sa maling paggamit ng pondo, ay siya pang nagkakalat ng ganitong kasinungalingan. When the source itself has lost credibility, why should anyone believe these baseless claims?”