Handa umanong harapin ni dating House Speaker at Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez ang anumang reklamong maaaring ihain ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, wala umanong ebidensiyang nag-uugnay kay Romualdez sa mga alegasyon at nasa case build-up stage pa lamang ang isinasagawang imbestigasyon.

Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na malapit nang matapos ang fact-finding investigation ng kanyang tanggapan at halos handa na itong isailalim sa preliminary investigation upang matiyak na matibay ang magiging kaso sa korte.

Iginiit din ni Fajardo na hindi kapani-paniwala ang pabago-bagong testimonya ng mga bodyguard ni dating kongresista Zaldy Co, na nagsabing naghatid umano sila ng kickback sa ilang opisyal ng pamahalaan.

Kasalukuyang iniimbestigahan sina Romualdez at Co kaugnay ng umano’y kickback sa mga proyekto sa flood control. Samantala, nahaharap na si Co sa kasong corruption at malversation of public funds sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y iregularidad sa isang P289 milyong flood control project sa Oriental Mindanao.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Fajardo, nararapat umanong mabigyan si Romualdez ng pagkakataong pormal na sagutin ang mga paratang bago magkaroon ng anumang konklusyon sa isinasagawang imbestigasyon.