
Inilipat sa Philippine General Hospital o PGH si dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez para sa independent medical examination kaugnay ng kanyang hiling na manatili sa hospital detention.
Iniutos ng Sandiganbayan Third Division ang paglipat kay Romualdez mula Cardinal Santos Medical Center patungo sa PGH, simula Sabado, Setyembre 12.
Ito ay matapos tumestigo ang kanyang mga doktor sa loob ng dalawang araw na pagdinig sa mosyon niyang manatili sa ospital habang nililitis ang ₱7.4-bilyong plunder case laban sa kanya at tatlo pang akusado kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project.
Ayon sa psychiatrist ni Romualdez na si Dr. Lourdes Ignacio, na-diagnose ang dating mambabatas na may depressive disorder na may anxiety.
Sinabi rin ni Ignacio na binigyan niya si Romualdez ng oral medications at regular na mindfulness sessions, habang may kaugnayan umano ang kanyang kondisyon sa iba pa niyang sakit sa puso at utak.
Samantala, sinabi ng cardiologist na si Dr. Rody Sy na maaaring umabot ng apat hanggang anim na linggo ang paggaling ni Romualdez dahil sa stress.
Gayunman, kinuwestiyon ni Sandiganbayan Associate Justice Ronald Moreno ang naturang haba ng recovery period.
Sumailalim si Romualdez sa angioplasty noong Oktubre 2024.
Sa utos ng korte, susuriin naman ng mga doktor mula sa PGH ang kondisyon ni Romualdez upang mapatunayan nang independiyente ang mga findings ng kanyang mga doktor sa Cardinal Santos.








