
Itinanggi ni dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez ang paratang ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may kinalaman siya sa pag-urong ng mga affidavit ng ilang dating bodyguard na nag-uugnay sa kanya sa umano’y anomalya sa mga flood control project. Ayon kay Romualdez, walang katotohanan ang akusasyon at iginiit niyang pinatutunayan ng mga recantation na gawa-gawa lamang ang mga naunang alegasyon laban sa kanya.
Sinabi rin ni Romualdez na haharapin niya ang lahat ng paratang gamit ang mga ebidensya at katotohanan at hindi siya magpapatinag sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Samantala, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na maaaring maharap sa mga kaukulang kaso ang tatlong dating bodyguard na umatras sa kanilang mga salaysay, pati na ang iba pang umano’y nasa likod ng kanilang pag-recant. Ayon kay Remulla, maaaring ituring na hostile witnesses ang mga ito at sampahan ng kaukulang reklamo dahil hindi na sila tumatayong testigo sa kaso.










