Mariing itinanggi ni dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez ang paratang ng Ombudsman na siya umano ang nasa likod ng pagbawi ng mga affidavit ng ilang dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party Representative Zaldy Co.

Sa isang pahayag, sinabi ni Romualdez na walang katotohanan ang akusasyon at iginiit na ipinapakita lamang nito ang umano’y pangigipit laban sa kanya.

Aniya, ang pagbawi ng ”maleta boys” sa kanilang mga salaysay ay nagpapatunay lamang umano na mali at gawa-gawa ang mga paratang laban na inuugnay sa kanya sa flood control anomalies.

Dagdag pa kongresista, handa niyang harapin ang lahat ng alegasyon at patunayan ang kanyang pagiging inusente.

“I will not be intimidated. I will face every accusation against me, defend myself with the facts, the evidence, and the truth,” ani Romualdez.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi naman ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na maaaring maharap sa kaso ang tatlong dating bodyguard na umatras sa kanilang mga naunang testimonya.

Ayon sa kanya, hindi pabor ang mga korte sa mga pagbawi ng affidavit, lalo na kung dalawang beses nang nagbigay ng magkaibang salaysay ang mga testigo.

Sinabi rin ni Remulla na maaari umanong isama bilang mga akusado ang mga dating security personnel kung hindi na sila magsisilbing testigo sa isinasagawang imbestigasyon.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang mga reklamong plunder, graft, at direct bribery na isinampa laban kay Romualdez kaugnay ng umano’y pagtanggap ng mga perang nagmula sa flood control scandal.