
Nakadetine ngayon si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa isang walang air-conditioning na infirmary ward sa New Quezon City Jail sa Payatas, kasama ang tatlo pang persons deprived of liberty o PDL, ayon sa Department of the Interior and Local Government o DILG.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nasa humigit-kumulang 50 square meters ang infirmary at may hospital beds, common bathroom at malalaking exhaust fan, ngunit walang air-conditioning.
Kinumpirma rin ni BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera na pang-apat si Romualdez sa kanyang assigned cell. Sinabi niyang nakabatay sa medical evaluation ng mga doktor ang pagkakalagay kay Romualdez sa infirmary ward.
Nauna nang inatasan ng Sandiganbayan ang mga doktor mula sa Philippine General Hospital o PGH na magsagawa ng independent medical examination upang matukoy kung kailangan pa ni Romualdez ang hospital confinement. Matapos ideklarang maaari na siyang ma-confine sa kulungan, inilipat siya sa QC Jail nitong Lunes ng gabi.
Samantala, sinabi ni Remulla na walang espesyal na treatment na ibinibigay kay Romualdez at sinusunod lamang ng DILG ang commitment order ng Sandiganbayan at rekomendasyon ng PGH.










