Madalas tamaan ng sakit sa dugo ang mga bata dahil ang kanilang immune system ay hindi pa ganap na develop, ayon kay Dr. Edwin Rodriguez, pediatric hematologist mula sa University of Santo Tomas at Cardinal Santos Medical Center.

Sa isang panayam, sinabi ni Rodriguez na mas sensitibo ang mga bata sa kakulangan sa nutrisyon at iba pang kondisyon na maaaring makaapekto sa kanilang dugo.

Dagdag niya, malaki ang papel ng kalusugan at nutrisyon ng ina sa panahon ng pagbubuntis sa kalusugan ng sanggol.

Ang kakulangan sa iron, folic acid, at bitamina B12 ng ina ay maaaring magdulot ng anemia o iba pang blood-related conditions sa bata.

Gayunpaman, may mga kaso ring congenital o inherited, kung saan puwede pa ring magkaroon ng sakit sa dugo ang bata kahit maayos ang nutrisyon at prenatal care ng ina, dahil sa genetic factors na naipapasa mula sa magulang.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Dr. Rodriguez, mahalaga ang wastong nutrisyon ng ina bago at habang nagbubuntis upang mabawasan ang panganib ng sakit sa dugo sa mga bata.