Narecover ng mga awtoridad ang isang sako na may laman na mga buto sa bahagi ng Taal Lake sa Laurel, Batangas nitong Huwebes ng hapon, Hulyo 10, 2025.

Ayon sa ulat, inaalam pa sa ngayon kung ang mga butong natagpuan ay sa tao o hayop, at kung ito’y may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero na sinasabing pinatay at itinapon sa lawa.

Isasailalim ang mga buto sa masusing pagsusuri ng mga forensic expert upang matukoy ang pinagmulan nito.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), magsisimula sila ng search and retrieval operations sa Taal Lake sa darating na Biyernes, Hulyo 11, depende sa lagay ng panahon.

Kasama sa operasyon ang mga technical divers na siyang maghahanap sa ilalim ng lawa.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ipinahayag ni Justice spokesperson Mico Clavano na nananatili ang kumpiyansa ng Department of Justice (DOJ) na maaari pang marecover ang mga labi ng mga sabungerong nawala noong 2021 at 2022, lalo’t freshwater ang Taal Lake.

Aniya, may mga eksperto ring nagbibigay ng gabay sa kung ano ang dapat hanapin sa ilalim ng tubig.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaasahang makatutulong ang bagong natuklasan sa pagresolba sa matagal nang kaso ng mga nawawalang sabungero sa bansa.