Hindi inaasahang mauuwi sa “jobs apocalypse” ang mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence (AI), ayon kay OpenAI CEO Sam Altman.

Sa isang virtual forum sa Commonwealth Bank of Australia conference, sinabi ni Altman na bagama’t lumalawak ang papel ng AI sa iba’t ibang industriya, nananatili pa rin ang “human part” ng trabaho na hindi kayang palitan ng teknolohiya.

Aminado si Altman na noong inilunsad ang ChatGPT noong 2022, inakala niyang mas mabilis ang magiging epekto nito sa pagkawala ng entry-level white-collar jobs, ngunit mas mabagal umano ito kaysa sa inaasahan.

Aniya, bagama’t tama ang mga prediksyon ng OpenAI sa teknikal na pag-unlad ng AI, nagkamali sila sa inaasahang social at economic impact nito.

Giit pa niya, nananatiling limitado pa rin ang aktuwal na pagpapalit ng AI sa mga trabaho kumpara sa mga inaasahang senaryo noong mga unang taon ng teknolohiya.

-- ADVERTISEMENT --